Bukod sa pagiging maasahan na uri ng pera, ang Bitcoin ay nakakalutas ng ilang problema na nakakaapekto sa inyo, sa akin, at lahat ng tao sa buong mundo. Kasama na dito ay ang mga problema ng sistema ng tiwala, awtorisasyon, at pagka-aninaw o "transparency".
Mabilisan natin tingnan ang mga problemang ito.
Ang double spending ay nagtutukoy sa abilidad na gastusin ang pera ng dalawang beses.
Ito ay karaniwang problema hinaharap ng mga digital currency dahil sa nakasanayan, ang digital money ay madaling paramihin, na kayang magkaroon ng “unlimited supply” ang nakahawak sa sinabing pera.
Isipin lang na pwedeng mag copy-paste ng digital money at ginagastos ito kung saan mo gusto.
Ito ay hindi masyadong problema sa mga pera na may sistemang sentral kagaya ng Grab points dahil ang kumpanya na ang magpapanigurado na hindi mangyayari ang double spending.
Nilulutas ng Bitcoin ang problema ng double-spending sa pamamagitan ng mekanismong kasunduan na tinatawag na Proof-of-Work. Maaaring ibalik-aral ang paksang ito dito.
Pag may sumubok magpadala ng Bitcoin kung kanino, iyung transaksyon na yun ay idadagdag sa blockchain sa porma ng isang bloke. Pag nakumpirma na itong nasa blockchain na, ang mga transaksyon na nasa bloke ay naka time-stamp at hindi na mababawi.
Ang blockchain ay nagbibigay ng paraan na lahat ng node ay may alam tungkol sa lahat ng transaksyon. Lahat ng data na nasa kasaysayan niya ay napagkasunduan ng Bitcoin network.
Dahil lahat ng miners ay may access sa data ng blockchain, ito ay nagsisilbing batayan kung saan matutukoy kung ano iyung mga transaksyon ay wasto at kung ano iyung double-spend. Lahat ng double-spend ay likas na hindi tatanggapin.
Pero, anong mangyayari kung ang bitcoin ay ipinadala sa dalawang partido sa eksaktong parehong sandali? Iyung dalawang transaksyon ay isasailalim sa mining process gaya ng dati. Pero ngayon, magkakaroon ng block confirmation.
Alalahanin natin na ang blockchain ay binubuo ng mga bloke, na binubuo ng mga kumpol na aprobadong transaksyon na nasa taas ng mga nakaraan na bloke. Ang block confirmation ay tumutukoy sa kalagayan ng isang bloke na nasa itaas ng isang nakumpirmang bloke.
Halimbawa, isipin natin na si Pedro ay bumili ng telepono at kompyuter na gamit ang parehong eksaktong Bitcoin. Tawagin natin silang transaksyon #1 at transaksyon #2 ayon sa pagkabanggit.
Kagaya ng dati, ang dalawang transaksyon ay ipapasailalim sa proseso ng mining, na mapapadala iyung dalawang transaksyon sa mempool. Sa hindi malamang pagkakataon na sabay imina ang dalawang bloke na naglalaman ng mga transaksyon ni Pedro, dalawang sangay ang magagawa, isa na may transaksyon #1, at isa na may transaksyon #2.
Sa senaryo na ito, iyung mga miner ay pipili kung saang chain susunod na magmimina. iyung unang magkaroon ng bloke na mabuo sa taas nito – ang tinatawag na block confirmation – ay tatanggapin na tama, habang iyung isa ay tatanggihan.
Ito ang dahilan kung bakit 2 hanggang 6 na block confirmation ang kailangan ng mga mangangalakal bago papasukin ang transaksyon, para lang manigurado.
Ang Bitcoin ay ang kauna-unahang digital currency na desentralisado na nakalutas nitong matagal nang problema ng double-spending. Sa bisa ng Bitcoin, libo-libong ibang mga cryptocurrency ay nabuo ngayon.
Ang Byzantine Generals Problem ay ang tanong na: "Paanong magkakasundo sa isang katotohanan ang iba’t ibang partido na nasa isang nakabahaging network? "
Ito ay problem na salot ng pera ng ilang millenia hanggang sa naimbento ang Bitcoin, kaya siyasatin pa natin ng mas malalim.
Ang Byzantine Generals Problem ay hindi nalalapat sa mga sentralisadong mga pera kagaya ng fiat money o mga company reward points dahil may isang sentral na partido na namamahala sa lahat.
Isipin natin ang apat na hukbong militar na sumusubok sakupin ang isang kaharian sa gitna. Lahat ng hukbo ay may sariling heneral. Tawagin natin silang Heneral A, B, C, at D. Para masakop iyung kaharian, dapat lumusob iyung apat na hukbo nang sabay-sabay.
Kung ganoon, iyung mga heneral ay dapat magkasundo sa isa’t isa kung anong oras nila lulusubin iyung kaharian.
Gayunpaman, walang cellphone o radyo sa panahong yun. Makakapag-usap lang sila sa pamamagitan ng mensahero.
Dito ngayon pumapasok ang mga problema:
Nakasalalay lang iyung pag-usap ng mga heneral sa mensahero, maraming pwedeng masamang mangyari sa pagsakop. Itong mga pwedeng masamang mangyari ay kayang masira iyung plano sa isang pitik ng daliri.
Kaya pag-isipan natin… paano mag-uusap at magkakasundo sa isang katotohanan ang apat na heneral na hindi gagamit ng mensahero?
Sa konteksto ng perang desentralisado, paano makakapagsunduan ang lipunan sa porma ng pera at ang kalagayan nito?
Ito ay isa sa mga problema na nalutas ni Satoshi Nakamoto na gamit ang Bitcoin. Ang Bitcoin ay ang unang desentralisadong cryptocurrency kung saan ang mga kalahok ay kayang obhetibong magkasundo sa impormasyon na walang sentral na partido o tagapamagitan.
Paano? Sa pamamagitan ng Proof-of-Work (PoW).
Sa Sistema ng Proof-of-Work, may mga klarong cryptographic at obhetibong layunin ng mga panuntunan na kailangan sundin ng lahat para makilahok. Dahil obhetibo ang mga tuntunin, walang maaaring magkaroon ng hindi pagkakasundo sa kalagayan ng network.
Ang mga tuntunin na ito ay nagsisilbing batayan para sa Bitcoin network na aprubahan ang mga wastong transaksyon at tanggihan ang mga hindi sa blockchain sa tunay na oras. Pag naaprubahan na ang mga transaksyon, mahirap na mahirap na ibawi ang mga ito, na ginagawang hindi nababago ang blockchain.
Dahil lahat ng miners ay may kopya ng kalahatang blockchain, ang mga miner ay kaagad-agad na makakilala at maaksiyunan ang kahit na anong mapanlinlang na nangyayari sa network. Lahat ng impormasyon ay kayang suriin gamit ang blockchain, na nagagawang walang kailangan ng tiwala ang network ng Bitcoin.
Ang blockchain ng Bitcoin ay isang tunay na oras na pagpapahayag ng kasunduan ng network sa lahat ng impormasyon na nangyayari sa network, na walang kailangang sentral na partido.
Ang inflation ay nakikita kahit na saan - sa pangkaraniwang kalakal kagaya ng karne, tinapay, gas, at kuryente. Tumataas ang presyo nila kada taon. Isang taon, isang litro ng gas ay 40 pesos. Sa susunod na alam niyo, 60 pesos kada litro na siya.
Maraming pwedeng dahilan ang inflation, pero isa sa mga ugat na sanhi nito ay paglaki ng supply ng pera ng gobyerno. Pag lumaki ang supply ng kahit na anong bagay, bumababa ang halaga nito, at ang pera ay hindi eksepsyon dito.
Habang bumababa ang halaga, mas maraming pera ang kailangang gastusin ng mga tao para sa parehong kalakal at serbisyo sa dati.
Sa United States, ang isang tasa ng kape ay $0.25 noong 1970s. Ngayon, hindi bababa sa $1.70 ang isang tasang kape.
Ang Bitcoin ay napakahusay na paraan para pigilan ang pagtaas ng supply ng pera. Hindi kagaya ng mga tradisyunal na pera na parang walang limitasyon ang supply, magkakaroon lang ng 21 milyon na bitcoin. Walang partido na kayang gumawa ng mas marami pa dito. Pwedeng niyong ibalik-aral ang yugto tungkol sa supply ng Bitcoin dito
Kung ang mga kalakal at mga serbisyo ay nakapresyo sa bitcoin, o nakadenomisyon sa perang sinusuportahan ng bitcoin, ang inflation ay malabong mangyari dahil sa kontroladong supply ng pera ng bitcoin.
Note: Pwede pa rin naman mangyari ang inflation dahil ang inflation ay dulot ng maraming salik ng ekonomiya, hindi lang supply ng pera.
Sa kabilang dulo, pwede rin tingnan ang Bitcoin na isang paraang makalabas sa ekonomiyang apektado ng inflation kung saan tayo namumuhay sa araw-araw.
Ang grabeng inflation – tinatawag na hyperinflation - ay nangyari na sa maraming bansa kagaya ng Venezuela, na humarap ng inflation rate na 65,374% noong 2018. Ang mga ibang bansang kagaya ng Zimbabwe, Sudan, Lebanon, Argentina, at Yemen ay hinaharap din ang parehong senaryo ng inflation.
Sa Pilipinas, ang pangkaraniwang inflation rate nung nagdaan na 25 na taon ay 5.8%, na ibig sabihin na bumababa ang halaga ng iyung pera ng mga 5.8% kada taon.
Nakita ng Pilipinas ang pinakamataas na inflation rate nung nakaabot ito ng napakataas na 50.34% noong 1984.
Ang supply ng Bitcoin ay ang dahilan din kung bakit madalas na tinatawag itong “digital gold”. Nakikita ng ibang tao ang Bitcoin bilang “safe haven” na laban sa inflation, kagaya ng ginto.
Ang pagpalit ng fiat currency sa bitcoin ay makakasigurado sa humahawak nito na iyung pera nila ay hindi babawas ang halaga.
Daan daang milyon na katao sa buong mundo ay walang access sa mga serbisyong pangbanko at pinansyal. Maraming dahilan dito, kasama na ang hindi sapat na imprastruktura ng banko, mga isyung regulasyon, kulang ng mga dokumento, o simpleng diskriminasyon.
Mahal ang financial exclusion. Ito ay may epekto sa kalidad ng mga buhay, nababawi sa mga tao ang pagkakataong mag-impok para sa kanilang kinabukasan, at binabawian din ng pinansyal na pansangalaan.
Sang-ayon sa isang report ng World Bank noong 2017, 1.7 bilyon na matatanda ay hindi pa rin nakakapagbanko. Ang ibig sabihin nito ay 1.7 bilyon na tao ay walang access sa kahit na anong serbisyong pang pinansyal kagaya ng savings accounts, insurance, mortgages, at loans.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may pinakamataas na porsyento ng tao na hindi nakakabanko. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 71% ng matandang populasyon ng Pilipinas ay hindi pa rin nakakagamit ng banko.
Hindi kagaya ng mga tradisyunal na serbisyong pinansyal, kailangan lang ng mobile phone at koneksyon sa internet para ma-access iyung Bitcoin network. Sa ilang pindot, kahit na sino – anuman ang edad, etnisidad, lalaki man o babae, kasal o hindi – ay kayang makakuha ng Bitcoin wallet at magsimulang hawakan ang kanilang sariling pananalapi at maging sarili nilang banko.
Iyung parehong teleponong yun ay pwede ring gamitin para makamit ang mga produktong pinansyal kagaya ng mga loans at mga account na makakuha ng malaking interes.
Ang mga borderless payments ay nagagawa ring mas madaling gamitin, mas mura, at mas mabilis kung ikumpara sa mga serbisyong tradisyunal.
Halimbawa, isang OFW na nasa Canada ay kaya nang magpadala ng pera sa mga mahal nila sa buhay sa Pilipinas na meron lang napakababang bayarin sa ilang pindot lang sa telepono. Ito ay kakaiba sa mga serbisyong tradisyunal na may patong na 10-20% at kailangan ng kalahating linggong pagproseso sa bawat transaksyon sa ibang bansa.
Ang mga remittance ay isa sa mga dahilan kung bakit ginamit ng El Salvador ang bitcoin bilang legal na pambayad kamakailan lang. Sa pagsulat nito, ang mga remittance na galing o patungo sa bansa ay nakakabuo ng 1/5 ng GDP nila.
Ang Bitcoin ay nagbigay sa mga El Salvadorians ng isa pang opsyon na mas murang at mas mabisang pagpadala ng pera.
Sa Bitcoin, ang financial inclusivity and accessibility ay sumulong sa mga paraan na hindi nakamit ng mga dating tradisyunal na pagbanko.
Hindi kagaya ng mga pangkasalukuyang banko, ang Bitcoin network ay walang tinatago at bukas sa kahit kanino man. Lahat ng transaksyon sa pagitan ng kahit na sino ay naitatala kahit na kailan o kahit na saan kayo nagsagawa ng transaksyon na gamit ang Bitcoin.
Kahit na walang mga pangalan ng tao ang nakatali sa mga address, ang iba pang mahalagang impormasyon katulad ng mga transaksyon, mga balanse, mga nagpadala, at mga nakatanggap ay maaaring makita at sundan.
Ang mga transaksyon ay maaaring tingnan habang nangyayari sa mga website na katulad ng www.blockchain.com/explorer.
Mas magulo pa para sa mga mapanlinlang at malisyoso na transaksyon na mangyari sa blockchain sapagkat lahat ay nangyayari habang nakikita ng lahat nang nasa network, walang nangyayaring nakatago. Ibang-iba ito sa tradisyunal na fiat money dahil hindi lahat ng peso o dolyar, sa halimbawa, ay nasusubaybayan. Ang isang masamang tao ay madali lang mag-money launder, magnakaw, o makorap kung may tamang mga koneksyon o mapagkukunan.
Ang isang kamalas-malasang halimbawa ay iyung iskandalong nangyari sa Red Cross Haiti Relief noong 2010. Ang Red Cross ay gumawa ng fundraiser upang tumulong sa Haiti na muling maipatayo ang mga daan, paaralan, at mga bahay ng mga nasalanta ng lindol. Nagtagumpay ang fundraiser at nakalikom sila ng halos kalahating bilyon na USD. Kaso nga lang, maraming nagdududa kung tama iyung paggamit ng pera dahil sa mga nakakagalit na mga salaysay, walang katiyakan numero, at mga kaduda-dudang dokumento na lumabas.
Napakaraming mga krimeng pinansyal kagaya nito ang nagawa ng iba’t ibang organisasyon, institusyon, at gobyerno sa buong mundo sa mga nakaraang dekada. Ang ganap na pagka-aninaw o transparency ng Bitcoin ay nakakatulong lutasin ito.
Kahit na napakaraming mga inisyatiba para labanan ang climate change, laganap ang “dirty energy” sa maraming industriya at ekonomiya. Dahil dito, hindi kailanman naging mas malaki ang pangangailangan sa “renewable energy”, at ang Bitcoin ay may makabuluhang tungkulin para isulong ang kilusang ito.
Kung ikaw ay miner sa Bitcoin network, para ka na ring nagpapatakbo ng sarili mong negosyo. Bilang isang bitcoin miner, meron kang gastusin (hardware/kompyuter at kuryente) at meron ka ding kita (bitcoin rewards per block mined).
Ngayon, para panatilihing kumikita ang mga miner, palagi silang naghahanap ng pinakamurang pinanggagalingan ng enerhiya. Ang kahanga-hanga sa Bitcoin mining ay walang pakialam ito sa lokasyon mo o kung saan nanggagaling ang enerhiya na gamit ninyo. Kahit na sinong miner ay kayang mag Bitcoin mining kahat na saan sa mundo na gamit na kahit na anong klaseng enerhiya. Hindi ito kailangang bumubuga ng sanhi ng polusyon.
Ang ibig sabihin nito ay ang mga miner ay pwedeng maghanap ng pinakamurang pinagmumulan ng enerhiya kahit na saan sa mundo.
Dahil dito, ang mga Bitcoin miner ay tumutungo sa renewable energy kagaya ng hydropower, geothermal power, solar power o kahit na “wasted energy” na dapat itatapon na lang sa kapaligiran.
Crusoe Energy
Ang isang halimbawa nito ay ang Crusoe energy, na isang kumpanya ng pagmimina base sa Montana na nagco-convert ng “wasted energy”sa enerhiya na ginagamit sa Bitcoin mining. Kapag nakatama ng langis iyung mga driller nila, madalas din silang nakakatama ng mga patse ng natural gas.
Ang problema ay iyung mga drillers ay madalas na walang imprastraktura para mabenta at malipat iyung natamaan nilang natural gas. Kasama pa yun, wala silang magagawa kundi sunugin na lang iyung natural gas sa isang proseso na tawag ay flaring na nakakasama pa sa ating kapaligiran.
Dito pumapasok ang Crusoe Energy. Kinukuha nila iyung inaksayang natural gas at sa halip na sunugin, ay ginagamit para sa kuryente ng mga kompyuter na ginagamit sa bitcoin mining. Ang kombersyong ito ay nagpapababa ng pagbuga ng CO2 hanggang sa 63% - katumbas na pag-alis ng 1,700 na kotse sa daan.
(Source: https://markets.businessinsider.com/news/currencies/bitcoin-mining-flare-gas-btc-energy-crusoe -energy-coinbase-winklevoss-2021-6)
El Salvador
Ang isa pang halimbawa ay ang paggamit ng gobyerno ng El Salvador ng geothermal energy ng mga bulkan nila para sa bitcoin mining. Ang enerhiya na ginagamit nila ay 100% na malinis at nababago. Dahil sa kuryenteng galing bulkan na gamit sa bitcoin mining, isang hindi nagagamit na malinis na pinanggagalingan ng enerhiya ay napakinabangan nila.
Ang sabi nga ni ni Brandon Arvanaghi, "Bitcoin is the greatest accelerant to renewable energy development in history."
(Source: https://apnews.com/article/cryptocurrency-technology-business-bitcoin-central-america-e0074a2343a3 e3a9beb08723ff65ecf5)
Sa isa o ibang paraan, ginagaya ng mga bitcoin miner sa buong mundo ang set-up ng gobyerno ng El Salvador. Ito ang pangkasalukuyang dahilan kung bakit ang industriya ng bitcoin mining ay ang may pinakamataas na energy mix na nakasaad sa 67% kung itulad sa mga bansa kagaya ng European Union, United States at South Korea.
Isa pang maling akala tungkol sa Proof-of-Work na sistema ng Bitcoin ay kumakain ito ng maraming enerhiya pag ikumpara sa pagkonsumo ng ibang bansa.
Ang totoo ay simula noong 2021, ang Bitcoin Mining ay nagkokonsumo lang ng 189 TWh kada taon, na 0.1% lang ng pagkonsumo ng enerhiya ng buong mundo na nasa 162,194 TWh. Ito ay napakababa din kung ikumpara sa ibang mga bansa kagaya ng China, United States, o India.
Sa unang tingin, hindi mukhang isang bagay na makakatulong sa mga isyung kapaligiran ang Bitcoin. Pero pag kilatisin ng mabuti, makikita kung paano nakakatulong ang Bitcoin sa pandaigdig na pagkonsumo ng enerhiya at pagpapabilis ng renewable energy.
Ang Bitcoin ay higit pa sa isang kahel na barya na pinangkakalakal ng mga tao. Nakakatulong ito lumutas ng mga problemang pinansyal at panlipunan na nakikita sa ating mundo ngayon at mababaw pa ang usapan natin niyan sa ngayon.
Kapag lumawak pa lalo ang pagkatanggap ng Bitcoin, mas lalong makakatulong ito sa mas maraming tao sa buong mundo. Hindi ninyo masasabi yan tungkol sa mga banko o sa ginto.
Sa susunod na yugto, titingnan natin ang pop culture na nabuo sa nakalipas ng ilang taon kung saan naisama ang Bitcoin.